Magsiguro at Magplano
Kaugalian ng mga Filipino na maghanda para sa isang inaasahang bisita. Ang buong bahay ay nililinis, ang mga kurtina ay pinapalitan, ang mga plato’t kutsara sa loob ng aparador ay inilalabas. Kahit sa pinakamaliit na detalye ng preparasyon ay talagang tinututukan at binibigyang pansin. Pero paano na lamang kung ang nasabing bisita ay hindi nagpaalam na darating? Ika ba ay handa na siya’y salubungin?
Ang sakuna at delubyo, sa ano mang uri at anyo nito ay isa sa mga bisitang hindi magpapaalam na ika’y bibisitahin. Ang kanilang pagdating ay biglaan at walang sinuman ang nakakalam sa eksaktong petsa at oras kung kailan. Minsang pag-ambon at pag-ulan, ang makulimlim na ulap, biyak sa lupa ay pahiwatig at sinyales pala ng kanilang nakaambang pagdating.
Isa sa mga paraan upang mapaghandaan ang sakuna ay ang pagkakaroon ng isang “survival go-bag”. Laman ng nasabing bag ang mga nakasalansang pangunahing pangangailangan at gamit ng buong pamilya. Mahalagang maglaman ito ng mga sumusunod:
PAGKAIN AT MALINIS NA TUBIG
Maghanda ng mga pagkaing madaling kainin at hindi madaling mapanis kagaya ng biskwit at mga pagkaing de lata. Huwag kalimutan ang isang galon ng malinis na tubig. Ang dami ng mga nabanggit ay nakadepende sa bilang ng pamilya.
FIRST AID KIT
Importante ring maghanda ng isang first aid kit na naglalaman ng gamot at maintenance medicines, bendahe at panlinis ng sugat. Ito ay magagamit kung sakaling mayroong magkasakit o kaya’y masugatan sa pamilya.
HYGIENE KIT
Upang makaiwas sa pagkakasakit, nararapat at kinakailangan na panatilihing malinis ang katawan. Sa iyong survival go-bag, huwag kalimutang ilagay ang sabon, shampoo, sipilyo, toothpaste at tisyu.
TOOLS
Magagamit ang tools kagaya gunting, maliit na kutsilyo o Swiss knife sa iba’t ibang sitwasyon maging sa pagluluto. Mahalaga ring isama ang lubid o tali sa bag na magagamit din kung sakaling babaha.
POWERBANK, ILAW AT RADYO
Importante ang powerbank para hindi maubusan ng baterya ang cellphone na magagamit para sa komunikasyon sakaling mayroon pang signal.
Sa pagsapit ng gabi, asahang magiging madilim ang buong paligid dulot ng mga pagtumba ng mga poste ng kuryente. Maghanda ng LED torch light o ‘di kaya ay posporo, kanila at lampara upang magsilbing inyong liwanag. Huwag ding magpahuli sa mga mahahalagang balita at updates sa lagay ng panahon gamit ang iyong dalang battery-powered na radyo.
PERA, ID AT MAHAHALAGANG DOKUMENTO
Huwag kalimutang magtabi ng pera upang magkaroon ng kakayahang bumili ng mga pangangailangan sa panahon ng sakuna. Mahalaga ring maisalba ang mga mahahalagang dokumento at mga identification cards para sa pagkakakilanlan ng pamilya.
Sa susunod na pagdating ng hindi inaasahang sakuna, siguraduhing ikaw na ay lubusang nakapaghanda. Magsiguro. Magplano.
Comments
Post a Comment