Bukod sa prutas at gulay
“Kumain
ng gulay para ikaw ay maging malusog at masigla.” Bilang mga bata ay palagi
tayong pinapaalalahanan na kumain ng mga masustansiyang pagkain. Habang tayo ay
lumalaki, unti-unting napagtatanto ng karamihan na hindi natatanging susi ang
mga nabanggit para isa isang malusog na pangangatawan. Saklaw ng pang-uring
malusog ang aspeto ng kalusugang pangkaisipan na madalas, kung hindi tuluyan
nang naisasantabi.
Ang kalusugang pang-isipan ay
naglalarawan ng isang antas ng kawalan ng isang diperensiyang pang-isipan. Ito
rin ay maaring bigyang kahulugan sa kung ano ang tingin at nadarama ng tao
tungkol sa pagharap sa mga tagumpay at kabiguan sa buhay. Masasabing ang isang
taong ay mayroong positibong kalusugang pangkaisipan kung matatagumpayan niya
ang mga pagbabago sa kaniyang buhay – damdamin at emosyon pati na rin ang
mabuhay na lubos sa tahanan, sa trabaho
at sa komunidad.
Sa Pilipinas, isa sa lima ka tao ang
dumaranas ng isang mental condition
ayon sa estadistikang ipinalabas ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH. Tatlo sa mga
nangungunang kondisyon ay ang schizophrenia, depression at anxiety. Ang
nakababahala ay sa mahigit kumulang 100 milyong populasyon ng bansa ay mayroon
lamang 700 na psychiatrist at kulang isang libo na psychiatric nurses
Bilang pagtugon sa kondisyon ng mental
health sa bansa, tuluyan nang naisabatas ang Philippine Health Law o Republic
Act 11036 matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte kamakailan
lang. Kasama sa probisyon nito na maisama ang kalusugang pangkaisipan sa
general healthcare system ng bansa. Mas malalapit na rin ang tulong para sa mga
taong may mental health problem.
Paano nga ba matutulungan ang mga taong
may depression? Ayon sa mga eksperto, malaking tulong sa mga taong depressed ang
pagkakaroon ng “sounding board” o mga taong makikinig sa kanilang mga saloobin.
Mas makakatulong, ayon kay Randy Borromeo, Assistant Executive Director ng
Shepherd’s Voice RTV foundation, mas makakatulong umano ang makinig sa mga
taong may depresyon kaysa sa pagbibigay payo sa kanila. Ang paraan ng paggamot
ng depresyon ay nakadepende sa antas ng pagiging kumplikado nito. Minsan, bago
matuklasan ng isang pasyente ang isang epektibong paraan ng paggamot, kailangan
muna niyang subukan ang iba’t ibang mga pamamaraan.
Ang mga kondisyong pangkalusugan ay
hindi isang biro. Hindi prutas at gulay ang kailangan nila upang maibalik ang
kanilang sigla. Pag-unawa, pagmamahal at paggabay ang ating ipakita.
Comments
Post a Comment