Kaya Ba?


Sa dinarami-rami ng mga ari-arian na nawasak at buhay ng mga inosenteng tao ang namatay dahil sa pagguho ng lupa sa barangay Tinaan, lungsod ng Naga, isang tanong pa rin ang nangangailangan ng sagot: Ipapahinto ba at ipapasara ng ating pamahalaan ang mga minahan sa ating bansa?

            Hindi lang sa Naga nangyari ang trahedyang ito, ibinalita na ilang araw matapos manalasa ang bagyong Ompong (international name na Mangkhut) sa Hilagang Luzon na umuwi sa pagkamatay ng may 40 katao sa bayan ng Itogon, probinsya ng Benguet. Isinisisi ng mga residente ang isinasagawang pagmimina sa lugar na naging dahilan upang magkaroon ng bitak-bitak ang lupa na pinalala ng malakas na ulan na dala ng bagyo at naging malambot ang lupa na umuwi sa pagkawasak ng mga ari-arian at pagkamatay ng mga inosenteng buhay.

            Tulad ng ating inaasahan – Apo Land and Quarry Corp. sa Lungsod ng Naga at Benguet Corp. sa probinsya ng Benguet – tumanggi sa mga akusasyon ng mga tao na sila ang may malaking responsibilidad sa pagguho ng lupa na ang iba sa mga tao ay kanilang sariling mga manggagawa.

            Dahil sa mga trahedyang naganap sa dalawang lugar sa bansa, inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuspendi ng pagmimina sa bansa at sinundan ito ni Gov. Hilario Davide III, gobernador ng Cebu at Mayor Kristine Chiong ng Naga upang ipatigil ang mga pagmimina sa buong probinsya ng Cebu at lungsod ng Naga.

            Sa pagkawasak ng mga ari—arian at pagmatay ng mga tao, maiisip natin sa ating mga sarili ang tanong na: Ipapasara ba at ipapahinto ng ating pamahalaan ang isinasagawang pagmimina sa ating bansa kahit na ito ay nagdadala ng malaking ambag sa ating ekonomiya?

            Ang mga deklarasyon ng ating pamahalaan na ipapasara nila ang mga kompanya ng pamimina ay isang pananakot lamang ng ating pamahalaan sapagkat naging bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay ang pagmimina. Naging paraan ito upang makapaghukay tayo ng mga buhangin at graba na ating ginagamit upang makapagpatayo tayo ng bahay na ating tinitirahan at mga gusali na naging lugar upang tayo ay makapagtrabaho at kumita ng pera.
           
Nagmula din sa pagmimina ang mga materyales upang makagawa tayo ng mga kagamitan gaya ng cellphones at computers na ating ginagamit sa komunikasyon at sa ating mga takdang-aralin sa ating paaralan.

Marami ang binibigay na pakinabang ng pagmimina sa ating bansa at sa mga tao ngunit maraming mga grupo at mga indibidwal ang umaalma dito gaya ng dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources na si Gina Lopez. Hindi sila humihiling na tuluyan ng ipapasara ang pagmimina sa bansa kung hindi ay dapat ayusin ang ito.

Araw-araw ginagamit natin ang mga bagay na galing sa pagmimina kaya hindi natin maitatanggi na may halaga din ito. Hindi kailangan na ito ay ipapasara sapagkat magiging pilay ang ating pamahalaan at ang mga tao sa kanilang pag-araw-araw na buhay sapagkat malaki ang mawawala. Dapat na ayusin at maging strikto ang ating pamahalaan sa pagkakaroon ng mga batas sa pagmimina upang maging maayos at hindi magdala ng peligro sa tao at sa ating kalikasan.




Comments