Kayamanang Pilit Ipinagkakait
Kalusugan ay ang ating
kayamanan – isang pahayag na ating naririnig ng itinuturo sa atin ng ating mga
magulang at mga guro sa paaralan. Ngunit tila ba ang kayamanan na pilit nating
iniingatan ay unti-unting inaagaw at ninanakaw ng pamahalaan. Ito ay dahil sa
pagtapyas ng badyet ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) sa taong
2019 na nangangasiwa sa pagpapatayo ng mga pasilidad pangkalusugan at
pagbibigay ng sahod sa mga health workers ng Kagawaran ng Pangkalusugan.
Malaki ang tinapyas sa badyet ng HFEP. Mula sa orihinal
na 30.26 bilyon na badyet na kanilang iminuungkahi, tanging 50 milyon ang
planong ilaan ng Department of Budget and Management (DBM). Naging dahilan ng
DBM ang 10% lang ang nagamit ng kagawaran sa HFEP sa inilaang badyet simula sa
taong 2008. Hindi ba naiisip ng DBM ang kanilang mga hakbang na ginagawa? Baka
ang badyet na kanilang sinasabi ay nakalaan na sa mga proyekto ng kagawaran.
Hindi naman magbibigay ng panukalang badyet ang kagawaran kung wala itong
pinaglalaanan na gawain.
Pangunahing maaapektuhan nito ay ang pagpapatayo ng mga
ospital at mga pasilidad pangkalusugan. Na sa kasalukuyan, may humigit kumulang
1 o 2 ospital na galing sa pamahalaan sa bawat lungsod o munisipalidad sa bansa. Mas
magiging mahirap ito sa mga tao sapagkat magiging limitado ang pagkuha ng mga
serbisyong pangkalusugan dahil sa kakulangan ng mga gusali. Isali pa dito ang
mga taong nasa mga bukiring barangay na patuloy na umaasang magkakaroon ng mga
ospital upang may magbibigay sa kanila ng lunas pag sila ay nagkakasakit
sapagkat napakahirap at napakalayo ang kanilang lalakbayin kung sila ay pupunta
sa bayan upang magpagamot.
Nangangamba din ang may 15,000 na mga health workers –
mga nars, doktor, dentista, komadrona at mga nagtatrabaho sa pamahalaan – na
mawalan ng hanap-buhay sapagkat ang kanilang kukuning sahod buwan buwan ay
nanggagaling sa HFEP. Magiging tasado ang mga serbisyo sapagkat magkukulang ang
mga health workers sa mga pasilidad pangkalusugan na magiging dahilan sa mas
mabagal na pagtugon sa mga nangangailangan.
Hindi lang basta-basta ang magiging epekto nito sa ating
bansa. Magpapatuloy ang ating pagsasakripisyo dahil sa kakulangan at mababang
kalidad ng mga serbisyong pangkalusugan. Bakit ba sa dinarami-raming pwedeng
tapyasan na badyet ay sa Kagawaran ng Pangkalusugan pa nila ito gagawin? Bakit
hindi ang ibang sangay ng pamahalaan na kanilang dinagdagan ang badyet ngunit
wala namang ginawang mabuti kung hindi ang magbigay kahihiyan sa ating bansa?
Tinasaan
ng pamahalaan ang badyet ng Presidential Communications Operations Office
(PCOO) sa orihinal na 1.38 bilyon ay magiging 1.41 bilyon ito. Maganda ang
naging layunin ng PCOO kung bakit nila gustong taasan ang badyet. Ito ay dahil
sa kanilang planong pagpapalaganap ng konsepto ng pederalismo sa bansa. Ngunit
naging kontrobersiyal ito at parang hindi karapatdapat makatanggap ng badyet
dahil sa mga kahihiyang ginawa ni Mocha Uson. Hindi nila pinakatawanan ang
kanilang hinihinging malaking badyet.
Ang kalusugan ay isa
sa mga bagay na mahalaga sa isang tao. Kaya dapat itong pangalagaan at bigyan
ng importansya ng mga nasa posisyon. Hindi nila dapat unahin ang mga bagay na
wala namang magagawang malaking tulong sa mga tao. Tila ba ay hindi nila
naramdaman ang kakulangan ng pasilidad sapagkat may pera sila upang makapunta
sa mga mamahaling ospital. Dapat unahin ang mga bagay na makakatutulong sa mga
tao gaya ng pagpapatayo ng mga pasilidad pangkalusugan at magdagdag ng mga
health workers upang makapagbigay ng magagandang kalidad na serbisyong
pangkalusugan. Ano pa ba ang hinihintay ng pamahalaan upang mapagtanto nila na
mahalaga ang kalusugan ng bawat tao? Tila ang kanilang pangakong magandang
buhay ay unti-unting napako.
Comments
Post a Comment