Sikreto ng Tagumpay


“I was at the back listening to the speaker one time and I said to myself ‘I will be like her’”. Natihimik ang buong silid nang nagsimulang ikuwento ni Gng. Remedios Flores kung paano ang simpleng pangarap at ang masidhing kagustuhan na makamit ito ang nagdala sa kaniya sa tugatog ng tagumpay na ngayon ay kaniyang tinatamasa.
            Dikta ng magulang, sulsol ng barkada o impluwensiya ng mga guro at kakilala. Iba’t ibang salik ang maaring magtulak sa isang tao at magdikta sa kaniya kung anong landas ang kaniyang tatahakin sa hinaharap. Sa pakikinig noon sa isang lecture sumiklab ang interes ng batang Remedios sa pamamahayag. Isang mahinang bulong ang binitawan niya sa kaniyang sarili at nangakong maging matagumpay sa larangang kaniyang napili.
ISANG HANDOG
            What you are is God’s gift to you. What you become is your gift to God.” Sa pagbanggit sa nasabing kasabihan sinimulan ni Gng. Flores ang kaniyang mga naipong kasanayan na itinutuiring niya bilang handog mula sa itaas. Samu’t saring mga parangal ang kaniyang natanggap sa humigit kumulang apat na dekada ng kaniyang panunugkulan bilang isang guro. Naimbitahan din siya bilang isang resource speaker at hurado sa hindi na mabilang na mga patimpalak. Ang paggamit sa mga talentong ipinagkaloob sa pagtulong kapwa ang kaniyang regalo ng pasasalamat sa Maykapal sa talentong ipinagkaloob sa kaniya.
PAGTANGGAP SA HAMON
            Nangyaring tinanggihan ng naimbitahan na speaker para sa kategoryang Pagwawasto ng Sipi at Pag-uulo ng Balita  ang imbitasyon. Ang noon ay baguhan na si Gng. Flores ay hindi nag-atubuling tumanggap sa parehong imbitasyon. Ang pagtanggap sa hamon, ayon sa kaniya ay ang huhubog sa isang tao tungo sa isang matatag at walang-takot na indibidwal.
ISANG BIYAYA
            You are a blessing to every life you moved and every heart you touched,” bahagi lamang ang nasabing pangungusap sa lihim-pasasalamat na kaniyang natanggap mula sa mag-aaral na kaniyang sinanay. Buong pagpapakumbabang ipinagmalaki ni Gng. Flores ang tagumpay ng mga estudyangteng kaniyang sinanay Bilang isang coach, ang karangalang natanggap ng kaniyang mga mag-aaral ay isang tagumpay rin para sa kaniya.
 MAGPASALAMAT
            Bilang isang batikang mamamahayag, payo ni Gng. Flores na hindi kailanman magiging sapat ang ating mga kaalaman at kasanayan. Sa lahat ng mga desisyong gagawin at landas na tatahakin, payo niya ay palaging kilalanin ang Diyos at huwag siyang kalimutang pasalamatan.

            Ang tagumpay ni Gng. Flores ay nagismula lamang sa isang simpleng simula. Sa pagtanggap sa mga hamong ibinabato ng buhay, paggamit at pagbabahagi ng talentong ipinagkaloob ng Diyos at sa hindi paglimot sa pagpapasalamat sa kaniya, hindi raw malayo na marating ng lahat ang tuktok ng tagumpay na kaniya nang narating.

Comments