Death toll sa Naga, Cebu landslide umabot na sa 60



CEBU, Philippines – Umabot na sa 60 ang bilang ng mga namatay sa nangyaring landslide sa Naga City at tinatayang hindi bababa sa 18 ang bilang ng mga nasugatan habang nasa 28 di umano ang bilang ng mga nawawala ayon sa huling ulat na ipinalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong 9:00 ng umaga, Setyembre 26.

Patuloy pang isinasagawa ng mga awturidad ng lungsod ang Search and Rescue Operation sa mga apektadong lugar ng Barangay Tinaan at Barangay Naalad na natabunan ng malaking bahagi ng gumuhong lupa nitong nakaraang Huwebes, Setyembre 20 kung kailan nangyari ang trahedya matapos ang sunod-sunod na malalaking buhos ng ulan.

Hindi naman bababa sa 900 pamilya ang pinalikas ayon sa DSWD.

Sinasabing malapit lang sa isang quarrying site ang mga barangay na natamaan ng landslide at matapos ang malagim na insidenteng ito, pinasuspende na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang lahat ng operasyon ng mga minahan at quarrying sites sa Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Central Visayas, Northern Mindanao, Davao, at Caraga.

Kamakailan lang binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga biktima nitong Biyernes ng gabi.

Sinuri ni Duterteang kalagayan ng mga biktima ng landslide sa Enan Chiong Activity Center, na nagsilbing evacuation center para sa mahigit 1,500 na residente, na lumikas mula sa kanilang bahay, ng Sitio Sindulan, Barangay Tinaan.

Iniabot ng Pangulo ang kanyang pagdadalamhati para sa mga nawalan ng kamag-anak at mahal sa buhay  sa nangyaring insidente.

“Ako, nasubo tungod sa nahitabo. Dili malalim ang pagka krisis nga inyong giatubang karon. Bug-at kayo. Dili lang tungod sa daghang tao nga napinsala ugkatong nangamatay,” sabi niya.

Magbibigay ng P45,000 ang Department of Social Welfare and Development at Office of the President para sa bawat pamilyang nawalan ng kamag-anak dahil sa trahedy habang bibigyan naman ng  P10,000 bawat isang taong nasugatan sa landslide.

Sinabi naman ni Special Assistant to the President Bong Go na inatasan na ni Duterte ang iilang ahensya upang masiguro na ang lahat ng pangangailangang medikal ng mga biktima ay naiaabot, at binibigyan ang mga biktima ng funeral at burial assistance.

Ipinangako naman ni Duterte ang pagbibigay pundo sa pagpapatayo ng mga evacuation centers na magsisilbing pansamatalang tuluyan ng mga residenteng pinalikas mula sa kanilang tirahan.

Inatasan naman niya ang National Authority General Manager Marcelino Esclada Jr. na trabahuin na ang pagpapabahay para sa mga biktima.

Sinibak naman sa puwesto ang apat na opsiyal ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, tinanggal sa puwesto sina MGB Region 7 Director Loreto Alburo, Chief Administrative Officer Jerry Mahusay, Chief Geologist Al Emil Berador at Supervising Geologist Dennis Aleta.

Sinabi ni Antiporda na ang pagpapasibak sa kanila ay habang isinasailalim silang apat sa imbestigasyon kaugnay sa malagim na trahedyang pagguho ng lupa sa Naga City.

Comments